Alas otso ng umaga ang aming usapan na magtatagpu-tagpo sa harap ng eskwelahan. Noong una’y alas siete, malamang naisip nila na may mga malimit na mahuli sa oras sa grupo kaya binago nila ang oras sa alas otso. May usapan pa na sasagutin ng mga mahuhuli ang pamasahe, nguniiiiit…… wala pa ring nangyari, may mga nahuli pa rin ng mga kinse minutos lang naman. :D Nang nagkita-kita na kami, napagusapan namin na ang aming gagawin sa aming proyekto ay isang blog para kay Rizal. At doon na nagsimula ang aming maikling paglalakbay tungo sa pagbabalik tanaw sa mga nakaraan ni Rizal.
Una naming tinungo ang Unibersidad ng Santo Tomas kung saan dito kinuha ni Rizal ang kursong medisina ngunit ipinagpatuloy niya sa Espanya. Nang aking matanaw ang paligid ay masasabing isang napakagandang eskwelahan ito para sa estudyanteng kagaya ni Rizal. Hindi maikakailang galing siya sa maharlikang pamilya.




Mainit man ay nagpatuloy pa rin kami sa aming paglalakad. Sunod naming tinahak ang Fort Santiago kung saan dito makikita ang karamihan sa mga alaala ni Rizal.
Nakatutuwang isipin na habang naglalakad ako’y waring pumasok sa aking isipan na ang aking nilalakaran ay minsan na rin sigurong dinaanan ng ating pambansang bayani. Para na rin akong napadpad sa panahon niya. Ako ay nagmistulang isang musmos na bata na pagala-gala at namamalimos ng kapiranggot na kaalaman mula sa lugar na aming tinahak.
Nakatutuwang isipin na habang naglalakad ako’y waring pumasok sa aking isipan na ang aking nilalakaran ay minsan na rin sigurong dinaanan ng ating pambansang bayani. Para na rin akong napadpad sa panahon niya. Ako ay nagmistulang isang musmos na bata na pagala-gala at namamalimos ng kapiranggot na kaalaman mula sa lugar na aming tinahak.

Sa aking kababawan, kumuha kami ng mga litrato ng ilan sa mga nasa paligid doon na hindi ko kadalasang nakikita.

May natagpuan kaming isang lagusan paibaba. Nagmatapang ako at pinangunahan ko ang pagtuklas kung ano ang makikita roon. Ngunit nang makaramdam ng nakakikilabot na lamig, naghintay ako ng makakasabay papunta sa ibaba. Pagbaba nami’y ito (sa ikalawang kuha) lamang ang natuklasan namin. Sa sobrang dilim, wala akong nakita bukod sa isang maliit na butas na nagmimistulang lagusan ng liwanag. Naitanong ko na lamang sa aking sarili, ano kaya ang kinalaman ng lugar na ito kay Rizal? Ngunit ito’y isa lamang na napakaliit na lugar. Ano kaya ang naging silbi nito sa kasaysayan? Dalawa sa aking mga kagrupo ay nagsabing may nakita raw sila sa litrato sa bandang kanan. Tatlong nakatalikod na animo’y mga katipunero na nakasumbrero na patusok ang gumambala sa kanilang paningin. Naisip ko na ang lugar na ito marahil ay ginamit ng mga katipunero para maisagawa ang kanilang plano noon.
‘Di ko sukat akalaing ganito lang talaga kaliit ang may pakana ng pagrerebelde ng mga Pilipino noon. Masasabing “small but terrible” nga talaga ang pambansang bayani. Kung mapapansin, may mga baryang itinapon sa loob ng seldang ito. (Mayroon na palang “wishing cell” sa panahon ngayon. :D)
Napansin ko ang mga maliliit na hakbang ni Rizal. Tunay nga kayang ganito lamang kaliliit ang kanyang mga hakbang? Kung oo, marahil ito ay dahil sa iyon na lamang ang nalalabing paraan upang tumagal nang kahit kaunti ang kanyang oras para mabuhay. O kaya nama’y kalmado na siya at hinahanda lamang ang sarili sa kanyang kamatayan. Ngunit, ano nga kaya ang mga nasa isip niya habang naglalakad, ‘no?
Itong larawang ito ay kuha sa Rizal shrine. Hindi ko alam kung matatawa ako o mahihiya nang makunan ko ang litrato ng may flash gayong nasabihan na kami na bawal iyon.Marami pang ibang magagandang likhain ni Rizal ang matatagpuan sa Rizal shrine. Mas maganda kung kayo mismo ang tumuklas ng mga ito. Kung makapagsasalita nga lamang ang mga iyon, marami pa tayong ibang matutuklasan tungkol sa ating pambansang bayani. Masasabi kong ang aming munting paglalakbay ay isang napakalaking bagay para sa isang tulad ko na uhaw sa kaalaman sa kasaysayan ng Pilipinas.




No comments:
Post a Comment